Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit 40,000 sako ng hinihinalang smuggled na bigas na nagkakahalaga ng P42-M, sa Port of Zamboanga City.
Ayon kay BOC Port of Zamboanga Chief Benny Lontok, isinagawa ang operasyon bilang pagsunod sa Executive Order 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagtakda ng mandated price ceiling sa bigas at nag-utos ng pagpapaigting ng aksyon laban sa smugglers at hoarders.
Sinabi ni Lontok na bagamat may isinumiteng kaukulang import documents ang owner ng warehouse, hindi naman ito tumutugma sa mismong nilalaman ng bodega.
Nakalagay umano sa payment records ay shipment ng white rice, ngunit nang isailalim sa physical examination ay natuklasang ito pala ay Jasmine fragrant rice.
Wala rin itong kaukulang sanitary at phytosanitary import clearance mula sa Bureau of Plant Industry.
Ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng Order of Forfeiture dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, Rice Tariffication Law, at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News