Isinisisi ni Sen. Alan Peter Cayetano sa kahinaan at kakulangan ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) ang nararanasang problema sa mataas na presyo bigas.
Sinabi ni Cayetano na malaking bagay sana na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinuno ng ahensya.
Subalit hindi anya dapat lahat ng bagay ay kailangang ang Pangulo ang palaging sumasagot sa mga problema.
Dapat anyang kumilos ang mga opisyal ng DA at gawin ang kanilang mandato upang matiyak ang food security sa bansa.
Sinabi ni Cayetano na dapat ang nangunguna sa pagresolba sa mga problema ay mula sa mga director hanggang undersecretary.
Masyado anyang mabait ang Pangulo at kinakailangang siya pa ang kumilos sa bawat usapin sa DA na kung tutuusin ay dapat ipinauubaya na sa kanyang mga opisyal.
Tinukoy pa ng senador na nang pumutok pa lamang ang pagban ng India sa kanilang rice export ay dapat agad nang kumilos ang mga opisyal ng ahensya at naglatag ng mga solusyon.
Kung kakayanin anya ay kumuha ng consultants ang gobyerno upang pag-aralan ang rice self-sufficiency sa bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News