Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Embahada ng Pilipinas sa Kuwait, ang Department of Migrant Workers (DMW), at ang Kuwaiti authorities, para sa pagsusumikap na mabigyan ng hustisya ang pinaslang na overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.
Sa post sa kanyang X account, sinabi ng Pangulo na maaaring nakangiti na ngayon sa langit si Ranara at maging ang namayapang si DMW Sec. Susan “Toots” Ople.
Ang kanilang legasiya umano ay nagpapa-alala sa tungkulin ng gobyerno na protektahan at suportahan ang kanilang mga kababayan nasaang panig man sila ng mundo.
Matatandaang sinintenyahan ng Kuwaiti court ng labinlimang taong pagka-bilanggo ang 17 anyos na pumatay kay Ranara.
Umaasa naman si Marcos na magiging patas ang proseso sa posibleng pag-apila ng panig ng killer, upang tuluyan nang maisilbi ang hustisya. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News