Hindi kuntento ang pamilya ng pinaslang na overseas Filipino worker sa Kuwait na si Jullebee Ranara, sa hatol na 15-taong pagkabilanggo sa kanyang killer.
Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega na nakausap na nila ang pamilya ni Ranara, at nakukulangan umano ito sa hatol sa 17 anyos na si Turki Ayed Al-Azmi para sa conviction sa murder.
Iginiit umano ng kanyang mga kaanak na buhay ang nawala sa kanila at hindi na ito maibabalik pa.
Kaugnay dito, kanila umanong inasahan na habambuhay na pagka-bilanggo ang hatol sa killer.
Sa kabila nito, natutuwa pa rin ang pamilya Ranara sa hatol na guilty ng Kuwaiti court.
Sinabi naman ni de Vega na ipinaliwanag sa pamilya ni Ranara na mas mababang parusa ang ipinataw sa killer dahil sa pagiging menor de edad nito.
Matatandaang noong Enero ay natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto sa Kuwait. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News