Tutol sina Senador Grace Poe at Senador Alan Peter Cayetano sa ipinapanukalang suspindihin muna ang implementasyon ng SIM registration habang isinasaayos pa ang lahat ng polisiya.
Ito ay makaraang matuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang palpak na sistema makaraang makapagrehistro ng numero gamit ang larawan ng unggoy.
Nanindigan si Poe na hindi ang batas ang problema at sa halip ay ang enforcement o implementasyon.
May sapat anyang ngipin ang batas laban sa mga manloloko kasabay ng proteksyon sa publiko.
Ang dapat anyang kumilos ay ang nagpapatupad ng batas at ang mga telco upang maresolba ang problema sa proseso.
Sinabi naman ni Cayetano na hindi solusyon ang suspensyon ng batas at sa halip ang kailangan ay magkaroon na ng sampol ng naparurusahan nito.
Iginiit ng senador na dapat hanapin ang mga scammers at agad na kasuhan at papanagutin upang mas maging epektibo ang batas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News