Wala pang natatanggap na anumang kompensasyon ang pamilya ng pinaslang na overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara mula sa kanyang employer.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, na hinihintay pa ng pamahalaan ang buong detalye makaraang i-convict ng Kuwaiti juvenile court ang akusado, na anak ng employer ni Ranara.
Aniya, kailangan nila ang detalye ng desisyon upang malaman kung magkano ang babayarang danyos sa pamilya ng biktima.
Inihayag ni de Vega na ang lahat ng nakuhang benepisyo ng pamilya ay galing sa gobyerno, partikular kay Pangulong Bongbong Marcos, sa Department of Migrant Workers, Overseas Workers’ Welfare Administration, at sa DFA.
Ipinaliwanag din ng opisyal sa pamilya ni Ranara, na dahil menor de edad ang akusado ay ibinaba ang sentensya nito sa labinlimang taong pagkabilanggo para sa kasong murder at isang taon para sa driving without license. –sa panulat ni Lea Soriano