Ginagamit ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang mga SIM cards para makapagnakaw at ilipat ang perang makukuha sa kani-kanilang e-wallets.
Ito ang inihayag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy sa isang panayam.
Ayon sa kalihim, nang-iiscam ang mga ito sa pamamagitan ng panggagaya ng tao.
Noong nakaraang buwan aniya ay nakakumpiska ang kagawaran ng halos 28,000 SIM cards mula sa POGOs sa Pasay City na ginamit para makapang-hithit ng aabot sa isang bilyong piso mula sa e-wallets ng mga biktima.
Kasunod nito, umapela si Uy sa mga e-wallet operators na higpitan ang seguridad sa kanilang mga app dahil nagbabago-bago din ang modus operandi ng mga kriminal.
Nabatid na una nang ipinanukala ng DICT na limitahan ang SIM ownership at maningil ng registration fee para sa ikaapat na SIM, pataas. –sa panulat ni Jam Tarrayo