Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) na unahin ang pagpapalawak at rehabilitasyon ng mga kasalukuyang paliparan upang mapahusay ang paglalakbay sa himpapawid at suportahan ang industriya ng turismo.
Tinukoy ng senador ang mga airport sa Camarines Norte, Southern Leyte, at North Cotabato na kabilang sa mga dapat palawakin.
Ayon sa senador, ang pagpapalawak at rehabilitasyon ng mga paliparan ay magpapahusay sa mga aktibidad ng turismo sa mga lalawigan, lilikha ng mas maraming trabaho, at magpapatibay sa lokal na ekonomiya.
Iminungkahi pa ni Gatchalian na maglaan ang DOTr ng pondo para sa right-of-ways upang magamit sa pagpapalawak ng mga paliparan.
Pinuna naman ni Gatchaljan ang mababang utilization rate ng DOTr sa kanilang P12.4 -B para sa right of way sa kasalukuyan nitong pondo.
Gayundin ang P163-B na pondo para sa mga riles subalit hindi naman nagagamit nang buo.
Tugon naman ni DOTr Secretary Jaime Bautista na mahigpit na ang koordinasyon ng departamento sa mga kontraktor nito para mapabilis ang pagpapalabas ng bayad. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News