Sinopla ng Department of Agriculture (DA) ang projection ng kanilang US counterpart na sinabing ang Pilipinas na ang bansang magiging top importer ng bigas sa mundo.
Sa “Grain: World Markets and Trade” report ng US Department of Agriculture, nakikitang mag-aangkat ang Pilipinas ng 3.8-M MT ng bigas sa trade year 2023-2024, at mauungusan na nito ang China na inaasahang mag-iimport lamang ng 3.5-M MT.
Pero ayon kay DA Usec. Leocadio Sebastian, inaasahang hindi aabot sa 3.8-M MT ng bigas ang aangkatin ng bansa ngayong 2023.
Idinagdag pa nito na bunga ng pinalakas na mga hakbang upang maitaas ang local production, nakikitang hindi rin aabot sa 3.8-M MT ang imports sa 2024.
Iginiit ni Sebastian na ang kawalan ng kasiguruhan sa external sources ng bigas at pagsipa ng presyo ng imported rice ang nag-uudyok sa kanila na palakasin pa ang lokal na produksyon. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News