dzme1530.ph

Panukalang gawing automated ang 2025 BSKE, kinontra ng senador

Nagtataka si Senate Minority Leader Koko Pimentel kung bakit kailangang gawing automated ang 2025 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).

Una nang ipinasa ng Kamara ang resolusyon na pag-aralan ang posibilidad na gawing automated ang 2025 BSKE.

Sa hearing para sa 2024 proposed budget ng COMELEC, binigyang-diin ni Pimentel na walang batas na nagmamandato na gawing automated ang BSKE.

Iginiit ng minority leader na ang tanging minamandato ng Automated Election Law ay ang National at Local Elections.

Bukod sa wala sa batas, magastos rin aniya ang pag-o-automate sa BSKE.

Aminado naman si COMELEC Chairman George Garcia na malabo nang gawing automated ang 2025 BSKE dahil limang buwan lang ang magiging agwat nito sa pagsasagawa ng 2025 Midterm Elections.

Ipinunto rin ni Garcia na walang alokasyong pondo para sa automation ng BSKE sa 2025.

Nakatakdang gawin ang 2025 Midterm Elections sa Mayo habang ang BSKE naman ay sa Disyembre. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author