Kinastigo ni Senador Imee Marcos ang National Food Authority (NFA) sa kabiguan na bumili ng mga bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.
Nagtataka ang senador kung bakit puro importasyon ang pinag-uusapan sa gobyerno gayung marami anyang bigas ang mga lokal na magsasaka na hindi maibenta.
Katunayan anya sa South Cotabato ay mayroong mga magsasaka na nagbebenta ng P25 bawat kilo na bigas.
Puna pa ng senador na hanggang ngayon ay may pondo pa ang NFA na maaaring gamitin pambili ng suplay subalit hindi ginagamit.
Ipinaalala ng mambabatas na ang importation ay hindi dapat knee jerk solution at sa halip ay last resort na lamang para matiyak ang sapat na suplay ng bigas.
Samantala, suportado ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang pagnanasa ni Pangulong Bongbong Marcos na maging rice self-sufficient ang bansa kasabay ng pagsuporta sa mga lokal na magsasaka.
Nanawagan din ang senador sa lahat na magtulungan at iwasan ang siraan at maghilahan at isantabi ang crab mentality upang umangat ang buhay ng mga magsasaka. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News