Binigyang-diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kailangang magkaroon ng batas na magsisilbing gabay at batayan sa paggamit at pagbibigay ng confidential at intelligence fund (CIF) sa bawat ahensya ng gobyerno.
Sinabi rin ni Pimentel na hindi uubra ang panukalang idulog na lamang sa Korte Suprema ang usapin sa CIF upang makahingi ng advise sa dapat na gawin hinggil dito.
Ipinaliwanag ng senate minority leader na maaari lamang makialam ang korte suprema kapag may aktuwal ng kontrobersiya sa batas na may kinalaman sa CIF.
Una nang iminungkahi ni Pimentel na repasuhin ng Senado ang joint circular ng Commission on Audit (COA) na naging basehan ng paghingi ng confidential funds ng maraming ahensya ng pamahalaan.
Kinatigan naman ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagsabing kasama sa posibleng aralin ng Special Senate Committee on CIF ang pagrebisa sa memorandum circular ng COA. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News