Tiniyak ni Chairman George Erwin Garcia ng Commission on Elections (COMELEC) na mag di-disqualify sila ng mga pasaway na kandidato bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30.
Sa ginawang pulong balitaan, sinabi ni Garcia, na hindi siya papayag na walang maaaksyunan sa mga show cause order na kanilang inihain o ipinadala sa mga kandidato na nagsagawa ng maagang pangangampanya.
Kailangan daw nilang ipakita na seryoso ang COMELEC sa pagpapatupad ng batas lalo na sa mga pasaway na kandidato.
Ngayong araw lamang, umabot na sa 403 na mga kandidato ang pinasasagot ng COMELEC matapos silang mahuli na nagsasagawa ng premature campaigning at vote buying.
Karamihan sa kanila ay nagmula sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cebu, Iloilo at maraming iba pa.
Sabi ni Garcia, nais niyang makita na bago ang araw ng eleksyon ay mayroong madi-disqualify na mga kandidato. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News