dzme1530.ph

Ilang senador, magkasalungat sa panawagan ng Ombudsman na alisin ang probisyon na isapubliko ang report ng COA sa paggastos ng pamahalaan

Magkakasalungat ang pananaw ng ilang senador sa panawagan ni Ombudsman Samuel Martires sa Kongreso na tanggalin na ang probisyon sa taunang budget na nag-aatas na isapubliko ang report ng Commission on Audit hinggil sa paggastos ng pondo ng mga ahensya ng gobyerno.

Unang nagpahayag ng pagtutol si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa panawagan sa naturang paggiit na aniya’y dapat panatilihin ang kasalukuyang patakaran ukol sa mandatory publication ng COA report.

Iginiit naman ni Senador Imee Marcos na mahalagang ikunsidera ang panukala ni Martires kasabay ng pahayag na hindi dapat maabuso at magamit na armas ang COA report laban sa isang ahensya ng pamahalaan.

Samantala, sa pahayag ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara, binigyang diin na pag-aaralan nila ang panawagan ng Ombudman pero kanilang isasaisip at ikukunsidera ang constitutional right ng publiko ukol sa mga impormasyon na may kaugnayan sa pamamahala sa gobyerno. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author