Handa ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng karagdagang seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga ulat ng karahasan.
Sa Public Briefing, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Red Maranan na sa ngayon ay paiigtingin ang pagbabantay at dodoblehin ang Police Deployment sa mga paaralan.
Inihayag ni Maranan na inatasan na ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang Police Provincial Offices at Chiefs of Police na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng mga paaralan para sa deployment at operations ng kanilang mga tauhan.
Ang mga pulis din ang magtse-tsek ng mga bag ng mga mag-aaral bago sila pumasok sa eskwelahan.
Idinagdag ni Maranan na tututukan ng PNP ang mga paaralan sa National Capital Region (NCR) at iba pang malalaking lungsod.
Ang hakbang na ito ng PNP ay kasunod ng pagkamatay ng isang estudyante nang aksidente nitong mabaril ang sarili gamit ang service firearm ng kanyang ama na dinala nito sa paaralan.