Hinimok ng isang obispo ang mga indibidwal na nagsisilbi sa simbahan na magbitiw o bakantehin ang pwesto kung sila ay tatakbo sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Partikular na hinihikayat ang mga opisyal at miyembro ng mga organisasyon sa simbahan.
Sa inilabas na guidelines ni Bishop Dennis Villarojo ng Malolos, dapat ay magpasa ng leave of absence ang sinumang nagsisilbi sa simbahan kung sila ay tatakbo sa eleksyon sa October 30, 2023.
Aniya, maaari nila itong ipasa sa pamunuan ng simbahan kung saan sila nagsisilbi.
Dagdag pa ni Bishop Villarojo, sakaling hindi nila ito magawa ay awtomatikong wala na sila sa pwesto.
Iginiit ng obispo na sa pamamagitan ng guidelines na ito, hindi magagamit ang simbahan at hindi rin magkakaroon ng pagkalito sa pagganap nila sa kani-kanilang trabaho.
Sakali naman hindi pinalad na manalo, ang mga naghain ng kanilang leave of absence ay makakabalik naman sa pwesto at makakabalik sa serbisyo sa simbahan. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News