Inilunsad sa Batac, Ilocos Norte ang rice paddy art tampok ang imahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ang tagline ng kanyang administrasyon na “Bagong Pilipinas”.
Dinaluhan mismo ng Pangulo ang official launching ng rice paddy art sa Mariano Marcos State University, kasabay ng komemorasyon sa ika-106 na kaarawan ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ang rice paddy project ay ginawa sa pagtutulungan ng Philippine Rice Research Institute at Mariano Marcos State University.
Layunin nitong suportahan ang mithiin ng gobyerno sa food security at pagpapaunlad ng agriculture sector para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
Itinataguyod din nito ang agri-tourism at rice production technologies, at hangad din nitong mahikayat ang kabataan na pasukin ang mga trabaho sa agrikultura upang mapalakas ang agricultural sustainability.
Samantala, para naman sa kanyang kaarawan sa Miyerkules ay binigyan si PBBM ng Padapada ritual tradition ng mga Ilokano, kung saan inilagay sa kanyang ulo ang korona ng bulaklak, at isa-isa siyang inabutan ng mga tangkay ng bulaklak. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News