dzme1530.ph

Memo order na batayan ng paglalaan ng Confi at Intel fund sa iba’t ibang ahensya, rerebisahin ng Senado  

Target ng Senado na rebisahin ang Joint Memorandum Circular 2015-01 na pinagbabatayan ng mga ahensya ng gobyerno sa paghingi ng Confidential at Intelligence funds. 

Ito ang kinumpirma ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na aminadong taun-taon ay parami nang parami ang mga ahensyang humihingi ng pondo na sa pinakahuli niyang bilang ay nasa halos 30 tanggapan na. 

Ipinaliwanag ni Zubiri na nakalagay sa kanilang mga patakaran na maaari nilang reviewhin ang paggastos ng CIF ng mga ahensya upang sa gayun ay makapagdesisyon sila kung aalisin, tatapyasin o daragdagan ang hinihinging pondo ng ahensya para sa susunod na taon. 

Kinumpirma ni Zubiri na nakapagsumite na sa kanila ng report ang lahat ng ahensyang nabigyan ng CIF nitong 2022 at 2023 subalit anim pa lamang anya ang kanyang nasilip. 

At sa nasilip niyang mga report, mayroong isang ahensya na dismayado siya dahil ginamit ang confidential fund para sa relocation ng mga naninirahan sa squatter’s area. 

Sinabi ni Zubiri na ang mga ganitong programa ay dapat nakalatag sa regular spending at hindi sa confidential fund. 

Ipinangako naman ng senate leader na bagama’t hindi magiging detalyado ang ilalabas nilang report sa publiko kaugnay sa pagbusisi sa paggamit ng CIF ay magiging transparent naman sila sa mga tatapyasan, babawasan o daragdagang ahensya. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author