dzme1530.ph

Live selfie, iginiit na gamitin sa pagpaparehistro ng mga SIM 

Hinimok ni Senador Grace Poe ang mga telecommunications companies na gamitin ang live selfie ng mga subscriber bilang requirement sa pagproseso ng SIM registration bilang panlaban sa panloloko at scam.

Sinabi ni Poe na dapat maging bahagi ng implementing rules and regulations ng Republic Act 11934 o SIM Registration Act ang selfie o pagkuha ng sariling larawan ng isang subscriber.

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod na rin ng kumpirmasyon ng National Bureau of Investigation na nakapagrehistro sila ng ilang SIM gamit ang pekeng government ID at larawan ng isang unggoy.

Dahil dito, inaasahan ng sponsor ng batas na babalangkas ang National Telecommunications Commission ng istriktong mga patakaran upang labanan ang mga scam.

Ipinaalala pa ng mambabatas na dapat tiyakin din sa IRR ang proteksyon ng mga subscribers laban sa privacy violations.

Kasabay nito, iginiit ni Poe na dapat magtulungan ang mga telco at iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matukoy ang mga grupo at sindikato na patuloy na gumagamit ng mga SIM sa iligal na aktibidad. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author