Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P3-B pondo para sa fuel subsidy ng nasa 1.36-M na PUV drivers at operators, na apektado ng walang patid na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Inaprubahan ng DBM ang Special Allotment Release Order at Notice of Cash Allocation upang maibaba sa Department of Transportation ang pondo.
Magsasagawa naman ng validation ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of the Interior and Local Government, Department of Information and Communications Technology, at Department of Trade and Industry para sa pagtukoy sa 1.36-M target beneficiaries ng one-time fuel subsidy.
P10,000 ang subsidiya para sa drivers at operators ng modernized jeepneys at modernized UV express; P6,500 sa traditional jeepneys, public utility buses, minibuses, taxis, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at filcabs; P1,200 sa delivery services; at P1,000 sa tricycles.
Iginiit ni Budget Sec. Amenah Pangandaman na ang transportasyon ang lifeblood ng ekonomiya, at ibinilin sa kanila ng Pangulo na tulungan at huwag pabayaan ang mga manggagawa sa transport sector. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News