dzme1530.ph

PBBM, hinikayat ang ASEAN na sanib-pwersang aksyunan ang mapanganib na paggamit ng coast guard at militia vessels sa South China Sea

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Association of Southeast Asian Nations na magsanib-pwersa sa pag-aksyon laban sa mapanganib na paggamit ng coast guard at maritime militia vessels sa South China Sea.

Sa 18th East Asia Summit sa Indonesia, inihayag ng Pangulo na labis na nababahala ang Pilipinas sa illegal, unreported, at unregulated fishing, at militarisasyon sa ilang bahagi ng South China Sea.

Kaugnay dito, muli nitong hinimok ang ASEAN at iba pang partner countries na magkaroon ng self-restraint at umiwas sa mga aktibidad na maaaring mag-resulta sa hindi pagkaka-unawaan at paglala ng tensyon sa rehiyon.

Walang tinukoy na bansa ang Pangulo ngunit mababatid na nagpapatuloy ang mga agresibong aktibidad ng Chinese Coast Guard at Chinese Militia Vessels sa West Philippine Sea, kabilang na ang nangyari kamakailan na water cannon incident.

Samantala, nagpasalamat din ang Pangulo sa bansang Australia para sa pag-suporta sa tindig ng Pilipinas sa South China Sea dispute, at aktibong pakikilahok sa maritime-related issues. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author