Bukas si Senador JV Ejercito sa ideya na bawasan ang hinihinging P500-M na confidential fund ng Department of Education (DepEd) at ilipat sa iba pang gastusin ng ahensya.
Ipinaliwanag ni Ejercito na nais niya rin munang linawin sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang impormasyon na tuluyan nang humina ang insurgency sa bansa.
Kung totoo anya ito ay hindi na kailangan ng malaking pondo upang masugpo ang sinasabing recruitment sa mga estudyante ng mga rebeldeng grupo.
Dahil dito, makabubuti anyang ilaan ang ilang bahagi ng confidential fund ng DepEd sa pagtatayo ng dagdag na classrooms na patuloy na nagiging problema ng mga paaralan tuwing sumasapit ang pasukan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News