Pinaplantsa ng Pilipinas at Vietnam ang planong limang taong kasunduan sa kalakalan ng bigas.
Sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh sa sidelines ng 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia, iminungkahi ng Vietnamese leader ang pagtutulungan ng Ministries of Trade and Agriculture ng dalawang bansa para sa five-year agreement.
Sa ilalim nito, inaasahang palalakasin ng Vietnam ang pag-eexport ng bigas sa Pilipinas.
Welcome naman ito sa Pangulo dahil ito umano ang magpapagaan ng sitwasyon hindi lamang para sa Pilipinas kundi sa buong rehiyon.
Nangako si Marcos ng pakikipagtulungan at kampante ito na mabubuo ang kasunduan sa Vietnam.
Samantala, iminungkahi rin ng Pangulo ang pagkakaroon ng fishery at maritime cooperation sa Vietnam upang mapangalagaan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News