Itinanggi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang bintang na puwersa ng pamahalaan ang nasa likod ng napaulat na pagdukot sa dalawang environmentalists sa Orion, Bataan.
Sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernest Torres Jr. na labis silang nag-aalala sa naturang insidente, kasabay ng pagbibigay diin na ang pag-akusa ng militanteng grupong AnakBayan laban sa gobyerno ay walang basehan at malisyoso.
Ang mga biktima na sina Jonila Castro at Jhed Tamano, na nagsisilbi bilang coordinators ng environmental group na “Akap Ka Manila Bay,” ay tumutulong sa mga komunidad na apektado ng malawakang land reclamation project sa Bataan.
Batay sa report, naghahanda ang mga biktima para sa relief operation sa lalawigan nang dukutin sila ng hindi pa tukoy na kalalakihan at isinakay sa kulay gray na sports utility vehicle noong Sabado ng gabi. –sa panulat ni Lea Soriano