Sisikapin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na maipasa ngayong buwan ang panukalang pag-amyenda sa Anti Agricultural Smuggling Law.
Ito ayon kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Cynthia Villar ay upang mas maging mabigat ang batas at matiyak na mapapanagot ang mga nananabotahe sa ekonomiya.
Sa ilalim ng panukala, ituturing na rin na economic sabotage ang hoarding, profiteering at cartel kung ang halaga ng masasangkot na produktong pang agrikultura ay aabot ng P1-M.
Ang mga lalabag sa batas ay makukulong ng walang piyansa at papatawan ng multa na katumbas ng tatlong beses na halaga ng smuggled fishery at agricultural products.
Ang mga empleyado naman ng gobyerno na masasangkot sa mga Economic Sabotage Acts ay papatawan ng perpetual disqualification mula sa pagkakaroon ng posisyon sa gobyerno, aalisan ng karapatang bumoto, pakikibahagi sa eleksyon at aalisan ng monetary benefits.
Bubuo rin ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council at special court na mas mataas sa Regional Trial Court na tututok lang sa mga kaso ng economic sabotage.
Kumpiyansa ang dalawang senador na sa pamamagitan ng panukala ay mapapatawan na ng parusa ang mga sangkot sa agricultural smuggling. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News