dzme1530.ph

Siklista at dating pulis na nasangkot sa road rage sa QC, nagharap sa Senado    

Nagface-off sa Senate Committee on Public Oder and Dangerous Drugs ang siklista at dating pulis na nasangkot sa road rage sa Quezon City.  

Kapwa humarap sa pagdinig ang siklistang si Allan Bandiola at ang dating pulis na si Willy Gonzales.  

Unang nagsalaysay ng pangyayari ang siklista na si Bandiola na ayon sa kanya ay nagkaayos na sila ni Gonzales matapos silang magharap sa Galas Police Station.  

Inamin din ni Bandiola na ayaw na sana niyang magkomento sa nangyari dahil nais din niyang pangalagaan ang proteksyon ng pamilya niya.  

Inihayag din ng siklista na sa ngayon ay wala na siyang nararamdamang galit sa dating pulis.  

Sa salaysay naman ni Gonzales, inihayag nito na unang nag-init ang ulo niya nang murahin siya ng siklista bagay na itinanggi ni Bandiola.

Idinagdag pa ng dismissed na pulis na nang ibalik niya sa siklista ang mura ay sinuntok pa ang bubong ng kanyang kotse gamit ang kanang kamay na may suot na gloves na may matigas na knuckles.  

Iginiit ni Gonzales na biktima rin siya sa pangyayari dahil nawalan siya ng trabaho at nabugbog sya at ang kanyang pamilya sa batikos sa social media.  

Pinaalalahanan naman ni Senador Ronald Bato dela Rosa ang intensyon ng kanilang pagdinig ay matukoy ang tunay na pangyayari at maaari nilang i-contempt ang sinumang mapatutunayang nagsisinungaling. 

Ito ay nang ipakita sa kumite ang larawan ng siklista na wala itong suot na gloves tulad ng iginigiit ni Gonzales. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author