dzme1530.ph

PCG, nakitaan na ng oil spill ang karagatan ng Naga Cebu dahil sa paglubog ng isang tugboat 

Panibagong oil spill o pagkalat ng langis na naman ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang sakop ng Naga Cebu matapos lumubog ang isang tugboat kamakailan.  

Sa report ng Philippine Coast Guard headquarters, nakaranas ng malalakas na hampas ng alon at hangin ang MTUG SUGBO 2 dahil sa sama ng panahon dulot ng Habagat.  

Agad namang nag-deploy ang PCG team ng tatlong segments ng oil spill boom, dalawang balder ng absorbent pads at apat na segments ng absorbent boom para makontrol ang pagkalat ng langis.  

Sa inisyal na imbestigasyon, nakitaan ng malaking butas na may sukat na apat na pulgada ang steering portion sa loob ng engine room matapos itong sumadsad sa baybayin ng Naga Cebu.  

Sinubukan pa ng mga crew ng tugboat na gumamit ng submersible pump para alisin ang mga pumasok na tubig subalit nawalan na ito ng kuryente dahil sa mabilis na pagpasok ng tubig.  

Mabilis namang sumaklolo ang MTUG SUGBO 5 at MTUG SUGBO 7 para makakuha ng kuryente ngunit hindi na rin kinaya.  

Dahil sa masamang panahon at hindi na kayang isalba ang tugboat, inatasan ng kapitan ang kanyang mga crew na abandonahin na ito bago pa tuluyang lumubog.  

Samantala, nakatakda namang magsagawa ngayong araw ng press-conference ang PCG kaugnay ng status na ginawang preparation at pagtugon kaugnay sa nasabing insidente. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News 

About The Author