Iminungkahi ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pansamantalang pagbabawas ng ipinapataw na taripa sa bigas, kasunod nang pagsipa ng presyo nito sa international market.
Ito ay sa harap na rin ng ipinatupad na P41 at P45 na mandated price ceiling sa bigas.
Nanawagan si NEDA Sec. Arsenio Balisacan na muling pag-aralan ang taripang ipinapataw sa bigas upang mapababa ang presyo nito.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, ipinapataw ang 35% hanggang 40% na taripa sa imported na bigas.
Matatandaang ang pagsipa ng presyo ng bigas ay kabilang sa mga nagtulak sa pagtaas ng inflation rate na pumalo sa 5.3% para sa buwan ng Agosto.
Tiniyak naman ng NEDA na palalakasin pa ng gobyerno ang mga programa para sa food security, proteksyon ng consumers, at pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News