Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo ang Commission on Higher Education (CHEd) sa mabagal na pag-aksyon nito sa mga reklamo ng mga estudyante ng University of Manila kaugnay sa unfair grading system.
Sa pgdinig ng Senate Committee on Higher and Technical Education, kinuwestyon ni Tulfo kung bakit mahigit isang buwan na simula nang idulog nila sa komisyon ang reklamo, ay wala pa rin itong mailabas na desisyon.
Kabilang sa reklamo ng 140 na graduating students ay ang hindi makatarungang pagbibigay sa kanila ng bagsak na grado sa apat na subjects na itinuturo lamang ng iisang professor.
Sa pahayag ng mga estudyante sa pagdinig, hindi ipinakita sa kanila ang resulta ng kanilang pagsusulit at matapos din anyang magsumite ng grades ang professor ay nag-resign na ito sa unibersidad.
Direktang tinanong ni Tulfo ang CHED kung wala itong nakikitang paglabag sa mga polisiya ng unibersidad subalit ikinatwiran ni CHED Director Spocky Farolan na hindi pa tapos ang kanilang mediation and investigation sa reklamo ng mga estudyante kaya’t hindi pa nito mailahad ang mga posible nilang maging desisyon.
Gayunman, malinaw anya na may paglabag ang unibersidad kung totoo ang reklamo ng mg estudyante na bukod sa final examination na ibinibigay ng kanilang mga professor ay may final exams mula sa presidente ng paaralan na kapag hindi naipasa ay hindi makakagraduate ang estudyante.
Samantala, pinagpapaliwanag ni Committee Chairman Francis Escudero ang pamunuan ng unibersidad kaugnay sa hindi pagdalo sa pagdinig.
Ikinairita ni Escudero ang hindi pagsipot ng sinumang kinatawan ng unibersidad sa pagdinig kaya’t inatasan ang secretariat na magpalabas ng show cause order.
Nais ni Escudero na magpaliwanag ang unibersidad kung bakit hindi ito dapat i-cite for contempt sa hindi pagtugon sa kanilang imbitasyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News