Lumobo na sa kabuuang P584,759,593 ang naiulat na halaga ng pinsala sa agrikultura ng mga Bagyong Goring at Hanna, pati na ng Habagat.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes, pinakamalaki ang naitalang pinsala sa Western Visayas na may P356,128,079, sumunod ang Cagayan na may P192,654,704. Umabot naman sa P29,678,492 ang halaga ng danyos sa agrikultura sa Mimaropa; P5,737,325 sa Central Luzon; at P560,990 sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa imprastraktura, sinabi ng NDRRMC na kabuuang P130,251,200 ang naiulat na halaga ng pinsala sa Cagayan, Western Visayas, at CAR
Nananatili sa dalawa ang bilang ng mga nasawi dulot ng masamang panahon, na mula Western Visayas at CAR. Isa naman ang naiulat na nawawala sa Western Visayas habang isa ang nasugatan sa Central Luzon.
Samantala, 514,153 katao o 140,101 na pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, CAR, at National Capital Region. —sa panulat ni Lea Soriano