Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagiging epektibo ng localized peace process sa ilalim ng whole of government approach, sa nagpapatuloy na programa sa paghikayat sa mga rebelde na magbalik-loob sa lipunan.
Sa talumpati sa pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month sa Palawan, inihayag ng Pangulo na dati ay pahirapang makamit ang pagkakaunawaan dahil ang mga sundalo at pulis lamang ang humaharap sa mga rebelde.
Ngunit ngayon umano ay marami nang idinagdag na hakbang ang gobyerno kabilang ang pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya, lokal na komunidad, at iba pang bahagi ng lipunan.
Sa pamamagitan umano nito ay naihahatid ang serbisyo at imprastrakturang kina-kailangan sa isang komunidad, upang maiwasan ang pamumundok ng mga rebeldeng pinili ang karahasan at pakikipaglaban dahil sa tingin nila ay pinabayaan na sila ng pamahalaan.
Iginiit pa ng Pangulo na mas madaling malalapitan ng mga rebelde ang mga lokal na opisyal na kanilang ka-lugar, lalo na kung ito ay personal nilang kakilala. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News