dzme1530.ph

MMDA, hinimok pag-aralan ang road sharing sa EDSA para maiwasan ang road rage

Hinikayat ni Senador JV Ejercito ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pag-aralan ang mga polisiya o hakbangin na maaaring ipatupad para sa road sharing sa kahabaan ng EDSA at iba pang kalsada upang maiwasan ang road rage.

Sa gitna ito ng mga dumaraming insidente ng away sa kalsada na minsan ay nauuwi sa karahasan.

Aminado si Ejercito na kadalasan ang nagiging dahilan ng road rage ay ang hindi pagkakaintindihan sa sitwasyon ng bawat isa kaya’t hindi nagbibigayan sa kalsada.

Ipinaliwanag ng senador na maaring pag-aralan ang panukala na ipagamit na rin sa mga rider ang mga bike lane sa mga piling oras lalo na kapag rush hour dahil may mga oras anya na wala nang gumagamit nito.

Sinabi ng mambabatas na dapat bumalangkas ng iba’t ibang mga sistema para sa maayos na daloy ng mga sasakyan sa kalsada habang inaabangang matapos ang mga proyekto tulad ng railway at subway system na inaasahang magiging malaking tulong sa trapiko.

Kasabay nito, umapela si Ejercito sa lahat na dagdagan ang pasensya kapag nasa kalsada lalo na ngayong bumabalik na sa normal ang lahat kung saan marami na muling sasakyan sa kalsada subalit hindi naman nadaragdagan ang mga kalsada.

Kailangan anyang maging pasensyoso at matutong rumespeto ang mga driver, biker at rider sa isa’t isa upang maiwasan ang init ng ulo na nauuwi sa away sa kalsada. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author