Makikipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilang Southeast Asian leaders sa sidelines ng 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia mula Setyembre a-5 hanggang a-7.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Sec. for ASEAN Affairs Daniel Espiritu, makikipagkita ang Pangulo kay Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh para sa pagpapalakas ng kanilang strategic partnership, at kooperasyon sa bigas at food security.
Magkakaroon din ito ng bilateral meeting kay South Korean President Yoon Suk Yeol upang pasalamatan ang nasabing bansa sa ibinigay nitong tulong kasunod ng pananalasa sa Pilipinas ng bagyong Egay, at ang plano nilang mag-donate ng 750 metric tons ng bigas sa ilalim ng ASEAN Plus Three Rice Reserve Arrangement.
Sinabi ni Espiritu na ito ay kasabay din ng ika-75 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Republic of Korea.
Samantala, makikipagpulong din si Marcos kay Cambodian Prime Minister Hun Manet, at magpapaabot din ito ng pagbati para sa muling pag-upo sa pwesto ni Timor Leste Prime Minister Xanana Gusmão. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News