Hinikayat ng mga senador ang Land Transportation Office (LTO) na bumalangkas ng mga hakbangin laban sa mga indibidwal na nasasangkot sa road rage.
Sa kanilang Senate Resolution 769, sinabi nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Raffy Tulfo na dapat magkaroon ng komprehensibong sistema para ma-monitor ang mga indibidwal na sangkot sa insidente ng road rage.
Ang mga nasabing indibidwal ay dapat pagbawalan kumuha o mag-renew ng kanilang mga lisensya sa pagmamaneho.
Hinimok din nina Tulfo at Zubiri ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas na makipagtulungan sa mga mental health professionals upang magbigay ng counseling at anger management interventions para sa mga indibidwal na guilty sa road rage offenses.
Samantala, pinatitiyak din ng dalawang senador sa gobyerno na hindi na makakakuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ang mga indibidwal na nasasangkot dito.
Sa Martes, September 5, itinakda na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang pagdinig sa road rage na kinasangkutan ng dating pulis at isang siklista sa Quezon City. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News