dzme1530.ph

Bilyun-bilyong pisong halaga ng investments, inaasahan sa biyahe ng Pangulo sa Indonesia

Inaasahang muling makalilikom ang Pilipinas ng bilyun-bilyong pisong halaga ng investments sa nakatakdang pag-biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Indonesia mula Sept. 5 hanggang 7, para sa 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Sa press briefing sa Malakanyang, kinumpirma ni Foreign Affairs Assistant Sec. Daniel Espiritu na magdadala ang Pangulo ng business delegation para sa nakatakdang meetings kaugnay ng trade and investment, kabilang na ang pagharap sa ASEAN Business Advisory Council, at pakikipagpulong sa mga negosyante na may planong i-expand ang presensya sa Pilipinas.

Kabilang umano dito ang WIR Asia na planong maglagak ng P1-B upang i-expand ang kanilang subsidiary sa bansa.

Ire-report din ng Pasifik Satelit Nusantara Telco Company ang developments sa planong paglulunsad ng satellite sa Pilipinas sa Disyembre.

Kasama rin sa meeting ang Indonesian vaccine manufacturers na Darya-Varia Laboratoria at Vaksindo Satwa Nusantara, na nakatakda nang mag-suplay sa bansa ng bakuna laban sa avian influenza.

Samantala, sa ASEAN summit ay itataguyod din ng Pangulo ang pagpapalakas ng food and energy security, potensyal ng digital at creative industries, at MSMEs. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author