dzme1530.ph

DOLE, aminadong labag sa probisyon ng Saligang Batas para sa living wage ang umiiral na minimum wage sa bansa.

Aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi tumutugon sa probisyon ng Saligang Batas para sa living wage ang umiiral na minimum wage sa bansa.

Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa kasalukuyang sistema, isa lamang sa sampung factor sa pagtatakda ng minimum wage ang pagkunsidera sa living wage subalit kailangang balansehin din ang kakayanan ng mga kumpanya kung hanggang magkano ang kaya nilang ibigay na sahod.

Nakita naman ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel ang pangangailangan na rebisahin na ang batas kaugnay sa pagbuo ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board dahil sa sobra-sobrang kapangyarihan nito sa pagtatakda ng minimum wage.

Sinabi ni Laguesma na wala silang intensyong ‘unconsciously’ ay labagin ang probisyon ng konstitusyon subalit maraming kailangang isaalang-alang sa pagtatakda ng sahod.

Iginiit naman ng kalihim sa mga senador na nasa kanila ang kapangyarihan para baguhin ang mga batas upang maisakatuparan ang probisyon ng living wage.

Sa ngayon ang minimum wage sa Metro Manila ay nasa P610 kada araw o katumbas ng P15,860 kada buwan.

Sa panig naman ni Senador Loren Legarda, iginiit ang pangangailangan na madaliin na rin ang pagtalakay sa isinusulong na panukalang P150 wage hike subalit aminadong kahit aprubahan ito ay hindi pa rin sasapat para maging living wage.

Kaya naman, hiniling ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa mga kasamahan na suportahan din ang isinusulong niyang panukala para sa pagtatakda ng living wage. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author