dzme1530.ph

China, tinawag na ‘delusional at desperate’ sa pagpapalabas ng 10-dash line

Tinawag ni Senador Risa Hontiveros na delusional at desperado ang China sa pagpapalabas ng “2023 Standard Map” na nagpapakita na saklaw ng kanilang 10-dash-line ang West Philippine Sea.

Sinabi ni Hontiveros na wala na sa tamang wisyo o pag-iisip ang China at kung anu-ano na lamang ang ginagawa para mang-angkin ng mga teritoryong hindi naman sa kanila.

Bukod sa malaking bahagi ng South China Sea, saklaw ng inilabas na standard map ng China ang Taiwan at ang bahagi ng India.

Sinabi ni Hontiveros na naghain na ng protesta ang India sa inilabas na mapa ng China kaya’t umaasa ang senador na susundan ito ng diplomatikong protesta ng Department of Foreign Affairs.

Nanindigan ang senador na kung mas maraming mga bansa ang tumutol sa mapang ito, mas maitutuwid ang kasinungalingan ng China.

Dapat din anyang makipag-ugnayan ang DFA sa National Resource and Mapping Authority (NAMRIA) upang maiupdate ang mapa na ipapakita ang ating Exclusive Economic Zone, continental shelves, at territorial seas sa West Philippine Sea.

Iginiit ng senador na ang China ay master manipulator na handang baluktutin ang katotohanan para sa kanilang sariling interes kahit pa maapakan ang ibang bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author