dzme1530.ph

Pagpapababa sa retirement age ng mga government employees, suportado ng CSC

Suportado ng Civil Service Commission (CSC) ang mga panukalang maibaba sa 60 taong gulang ang mandatory retirement at sa 56 ang optional retirement age ng mga kawani ng gobyerno.

Sa pagtalakay ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, iginiit ng CSC na panahon nang magkaroon ng bagong retirement plan para sa government employees na naaakma sa kanilang pangangailangan at sa panahon.

Sa kanyang pagsusulong ng Senate Bill No. 1832 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 8291 o ang Government Service Insurance System Act of 1997, sinabi ni Senador Ramon Revilla Jr. na mahalaga ang papel ng government employees sa pagiging tulay nila sa pagitan ng gobyerno at ng taumbayan.

Kaya nararapat anyang maisulong ang pagbaba ng mandatory retirement age na ngayon ay 65 years old ay gawing 60 years old habang ang optional retirement ay mula 60 years old ay gawing 56 years old.

Ito ay upang masuklian na ang paninilbihan ng mga government employees sa panahon ng anya’y dapithapon ng kanilang buhay sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong matamasa ang ginhawa ng retirement at ang kalakip na benepisyo nito sa maagang panahon.

Isinusulong din ng kumite ang panukalang magkaroon ng automatic promotion sa government employees sa kanilang pagreretiro.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1568, bibigyan ng automatic one grade higher promotion ang government employee upang mas mataas na salary grade ang magiging batayan ng kanilang retirement benefits. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author