Inaprubahan ng Senado ang resolution na nananawagan ng suspensyon at pagrebisa sa inilabas na bagong guidelines ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mga Pilipinong babiyahe palabas ng bansa na magiging epektibo sa September 3.
Ito ay makaraang tuligsain ng mga senador sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang bagong travel guidelines ng IACAT.
Sa kanyang privilege speech, hinimok ni Zubiri ang Bureau of Immigration at IACAT na maghanap ng mas maayos at epektibong immigration strategies upang protektahan ang mga Pilipino nang hindi naipagkakait ang constitutional right to travel ng mga ito.
Sinabi ni Zubiri na posible pang maging paraan ng katiwalian ang panibagong travel guidelines.
Iginiit ng Senate President na sa halip na ang mga biyahero ang pahirapan, dapat paigtingin ng gobyerno ang kampanya kontra illegal recruitment.
Sa manifestation naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, iginiit niya ang suspensyon sa implementasyon ng bagong guidelines bunsod ng kwestyon sa constitutionality nito.
Idinagdag pa ni Pimentel na sa pamamagitan ng kanilang resolution ay mabibigyan ng awtoridad si Zubiri na maghain ng nararapat na petition sa Supreme Court upang pigilan ang bagong guidelines.
Sa unang tingin pa lang anya ay malinaw nang paglabag ito sa konstitusyon kaugnay sa right to travel ng mga Pilipino. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News