dzme1530.ph

PAGCOR nabudol sa kinuhang 3rd third-party Auditor

Nabudol ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa kinuha nitong third-party Auditor para sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ito ang naging assessment ni Senador Sherwin Gatchalian matapos ang panibagong pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means na may kinalaman sa operasyon ng mga POGO sa bansa.

Sinabi ni Gatchalian na hindi mapagkakatiwalaan, hindi maasahan at hindi kwalipikado ang Global ComRCI na kinuhang 3rd party auditor ng PAGCOR.

Inisa-isa ng senador ang mga pagkukulang at background ng Global Comrci kabilang na ang kawalan ng technical capability, walang maipakitang pagbabayad ng local at national tax mula sa kita sa pamahalaan, at palipat-lipat ng opisina.

Nabunyag din na hindi kwalikado ang kumpanya dahil kulang ang kapital nito at ang pinanggalingan ng bank statement na isinumite nito sa PAGCOR ay hindi naman rehistrado sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa mga detalyeng ito, iginiit ni Gatchalian na malinaw na may credibility issue ang Global Comrci.

Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang 3rd party auditor dahil dito kinukuha ang datos kung magkano ang ipinapasok ng POGO sa pamahalaan o ang tinatawag na gross gaming revenue.

Kaya naman kung mali anya ang datos na ibibigay ng auditor ay malulugi ang pamahalaan dahil malaki ang posibilidad na underdeclared ang kita ng mga POGO kaya maaaring maliit ang nakokolekta ng BIR mula sa kanila.

About The Author