Binawi na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang contempt order sa tatlong miyembro ng Navotas City Police na isinasangkot sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar na isang kaso ng mistaken identity.
Gayunman, sa atas ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng kumite, mananatili sa kustodiya ng PNP general headquarters sina Police Captain Juanito Arabejo Jr., chief investigation officer ng Navotas City Police; Police Captain Mark Joseph Carpio, tumayong team leader; at Police Staff Sgt. Gerry Maliban habang patuloy silang iniimbestigahan.
Ito ay makaraang tapusin na ng kumite ang pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Jemboy.
Muli ring naging emosyonal si dela Rosa sa pagdinig nang ipaalala sa mga pulis ang kanilang pangunahing tungkulin na to serve and to protect at dapat unahin ang pangangalaga sa kapakanan ng publiko.
Aminado ang senador na nalulungkot siya sa nangyari kay Jemboy subalit mas nalulungkot siya sa nangyayari sa PNP na tila naisasantabi ang pagsunod sa mga polisiya at tamang proseso sa pagpapatupad ng batas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News