Naghahanda na ang regional offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa harap ng posibleng pananalasa ng bagyong Goring.
Inatasan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang regional directors sa Cagayan Valley at CALABARZON, na mag-imbentaryo na ng kanilang relief goods.
Inalerto na rin ang DSWD Bicol region office at ipinahahanda na ang mga nakareserba nilang family food packs.
Tiniyak naman ng DSWD Region 5 ang kahandaan sa agarang pagresponde lalo na sa Catanduanes Island.
Sinabi rin ng DSWD field office sa Region 2 na naka-preposition na ang relief goods sa Batanes at Calayan Cagayan.
Nananatili ang posibilidad na maging isang super typhoon ang bagyong Goring, at inaasahang palalakasin din nito ang hanging habagat. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News