Kinontra ni Senator Raffy Tulfo ang pahayag ng National Irrigation Administration (NIA) na luma ang kanyang mga naunang iprinisintang larawan at videos kaugnay sa mga iregularidad at hindi pa natatapos na irrigation projects ng ahensya kahit ilang taon na ang nakalipas.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, pinaalalahanan ni Tulfo ang mga opisyal at tauhan ng NIA na maaari silang mapa-cite in contempt at makulong sa Senado kapag napatunayang nagsisinungaling lalo’t sila ay under oath.
Sinabi ni Tulfo na nagsagawa ng inspeksyon ang kanyang mga tauhan sa Ilocos kaugnay sa mga napabayaang proyekto ng NIA sa kabila ng malalaking pondong inilalaan ng Kongreso taun-taon kung saan pinatunayan ng ilang residente at magsasaka na hanggang ngayon hindi pa rin tapos ang ilang dekada nang mga irrigation projects.
Nakausap din ng staff ng senador ang mga magsasaka sa mga nabanggit na irrigation projects at pinatotohanan ng mga ito na hindi nila napakinabangan ang mga proyekto, hindi rin ito tapos at wala rin silang tulong na nakuha mula sa NIA para sana sa mga makina at kagamitan sa patubig sa kanilang mga sakahan.
Sa halip ay mismong mga magsasaka na lamang ang bumibili ng kanilang sariling water pumps o bomba para sa patubig sa kanilang sakahan at nagbabayanihan para magawa ang anumang sira sa irigasyon.
Sa datos ni Tulfo na as of June 2022, 65.28% lang ng 3,128,000 hectares ng kabuuang irrigational areas ng bansa ang irrigated habang 38 lang sa 80 target provinces at chartered cities ang nakatanggap ng agricultural machineries, equipment, facilities at small scale irrigation projects. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News