Handa si Senate Minority Leader ‘Koko’ Pimentel na aralin at busisiin ang sinasabing doble o tripleng pagpopondo sa ilang proyekto sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA) at 2024 Proposed National Budget.
Ito ay makaraang ibunyag ni dating Senador Panfilo Lacson na mayroong 45 proyekto sa 2023 GAA at 26 items sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ang mayroong doble, triple, quadruple at quintuple na pagpopondo.
Ayon kay Lacson, ito ang dahilang kaya’t bloated o masyadong malaki ang fund allocations na nasa pagitan na ng 109% hanggang 328%.
Sinabi pa ng dating senador na nakalulungkot na tila walang nakakapansin nito.
Inamin naman ni Pimentel na nakarating na sa kanya ang impormasyon subalit nais muna niyang makita ang mga detalye at ebidensya.
Tiniyak din ng Senate Minority Leader na kokomprontahin niya ang Department of Budget and Management sa isyu sa sandaling sumalang na ang pondo nito sa hearings sa Senado. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News