Iginiit ni Senador Risa Hontiveros ang pangangailangang dagdagan ng pondo ang Philippine Coast Guard (PCG) upang mapalakas ang kanilang pwersa para sa pagsasagawa ng intelligence operations at maritime patrols sa gitna na rin ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kanyang privilege speech para sa Senate Resolution No. 744, hiniling ni Hontiveros sa mga senador na palakasin ang PCG upang protektahan ang national sovereignty.
Kasabay nito, pinuri ni Hontiveros ang mga tauhan ng PCG sa matagumpay na rotation at resupply mission para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong August 22 sa kabila ng harassment ng Chinese vessels.
Sa rekomendasyon ng senadora, nais niyang magkaroon ng advanced equipment ang PCG tulad ng radar stations, automatic identification systems (AIS) hardware at iba pang kagamitan.
Pinuna ng mambabatas na sa kabila ng patuloy na pagharap ng PCG sa panganib bunsod ng harassment ng China ay nanatiling limitado ang budget ng ahensya.
Simula anya noong 2009, nasa P10-M lang anng intelligence funds ng PCG kada taon.
Iginiit ng mambabatas na hindi katanggap-tanggap ang maliit na intelligence fund para sa PCG gayung may ibang ahensyang walang kinalaman sa national security ang pinaglalaanan ng mas malaking pondo.
Kasabay nito, nanawagan si Hontiveros sa mga kasamahan sa Senado na tumulong din sa paglalabas ng mga tamang impormasyon kaugnay sa West Philippine Sea. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News