Mariing kinundena ni Golden Mosque of Quiapo Grand Imam Ustad Jalal Jamil, ang ginawang pagpaslang sa kanilang kapwa Muslim.
Sa panayam ng DZME kay Quiapo Grand Imam Jalal Jamil, hindi ka tanggap-tanggap ang pagpaslang sa kanilang kapatid na Muslim na walang awang pinagbabaril sa isang lugar sa Cotabato City, kahapon.
Batay sa imbestigasyon, namatay sa pamamaril sa isang mataong lugar ang Islamic missionary na aktibo sa mga programang nagsusulong ng pagkakaisa ng mga Muslim, mga Kristiyano at mga etnikong tribo sa Central Mindanao.
Pinagbabaril ng anim na beses gamit ang .45 caliber pistol si Mohammad Hessan Midtimbang, sa loob ng kanyang kulay itim na kotseng Nissan Almera na nakaparada sa gilid ng Governor Gutierrez Avenue.
Si Midtimbang ay napag-alamang mula sa isang malaking angkan na Moro sa Maguindanao del Sur, na isang ustadz, o Islamic preacher at tumutulong sa mga programa ng Bangsamoro Darul Iftah.
Kilala rin itong kasapi ng House of Opinions na binubuo ng mga Muslim missionaries na may mga ibat-ibang proyektong sumusuporta sa Mindanao peace process.
Ang 32-anyos na biktima ay may regular na programa sa isang himpilan ng radyo sa naturang lungsod na kanyang ginagamit para sa pagtuturo ng Islam at naka-focus sa pagsawata ng violent religious extremism.
Naganao ang pananambang kay Midtimbang, isang linggo mula nang pasabugan ng granada ang tahanan ni dating COMELEC Chairman Sherrif Abas at pag-ambush sa namamahala ng general services office ng Cotabato City government na si Pedro Dado Tato, Jr. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News