Para sa isang abogado, maling hakbang ang pag habol ni Makati City Mayor Abby Binay sa Korte Suprema para hindi mawala sa kontrol nila ang BGC, na lumawak pa sa 10 EMBO Barangays.
Ayon kay Atty. Darwin Cañete, kilalang prosecutor at vlogger, si Mayor Abby ang dumulog sa SC at humingi ng final determination sa kaso ng land dispute, at batid nito na maari silang matalo o manalo.
Ngayon umanong nagsalita na ang Korte Suprema at hindi pumabor sa Makati ang hatol, dapat hindi na rin sila magmatigas pa at hayaan nang mapasakamay ng Taguig ang kontrol o jurisdiction sa revenue-rich na BGC.
Sa lebel pa lamang aniya ng Pasig RTC, dehado na agad ang Makati sa mga ipinakitang ebidensya dahil may pinanghahawakan itong titulo at presidential order.
Sa Transfer Certificate of Title no. 1219 na may survey plan PSU-2031 at may petsang 1908, nahahati sa 4-parcel ang Fort McKinley, ang Parcel 1 ay sa Pasay, Parcel 2 ay nasa Pasay at Paranaque, habang ang Parcels 3 at 4 ay kapwa nasa Taguig, at ni minsan walang nabanggit na Makati.
Matapos makamit ang kasarinlan mula sa Amerikano, ang Fort McKinley ay ginawang Fort Bonifacio salig sa Proclamation no. 423 ni former Pres. Carlos P. Garcia, at ang military reservation ay nasa hurisdiksyon pa rin ng Taguig.
Dagdag pa ni Cañete, kung ang Taguig ay may hawak na titulo at presidential order bilang ebidensya, ang Makati naman ay tanging land survey mula sa isang private contractor ang iprenisintang ebidensya. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News