Nanawagan ang grupo ng mga commuter sa pamunuan ng Metro Rail Transit line 3 na palawigin ang serbisyo hanggang alas-12:00 ng hatinggabi, kung hindi posible ang 24/7 na operasyon.
Sa kasalukuyan, ang huling tren ng MRT-3 ay idine-deploy ng alas-10:00 ng gabi, at pasado alas-4:00 ng madaling araw nagsisimula ang operasyon.
Ayon kay United Filipino Consumer and Commuters President Robert Javellana kailangan ding I-konsidera ng mga otoridad ang lumulobong populasyon ng Pilipinas at kaligtasan ng mga nagko-commute tuwing gabi.
Binigyang-diin pa ni Javellana ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA at Taft Avenue patungo ng Baclaran at Monumento.
Una nang sinabi ng pamunuan ng MRT na ang mga tren ay sumasailalim sa aircon maintenance at troubleshooting, kung kaya’t kailangang magkaroon ng downtime. —sa panulat ni Airiam Sancho