Ipinasususpindi ng House Committee on Poverty alleviation sa DSWD ang pagtanggal sa listahan ng may 1.3-M Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.
Ayon kay panel chairman 1-PACMAN Rep. Mikee Romero, kailangan maingat na mapag-aralan at i-assess muna ang sitwasyon ng mga pamilyang nais nang tanggalin sa programa.
Sinabi ni Romero na suportado nila ang paglilinis ng gobyerno sa listahan ng 4Ps, subalit kailangan munang masiguro na nagbago na talaga ang pamumuhay ng mga benepisyaryo, may nakapagtapos na sa pag-aaral at may trabaho na ngayon.
Partikular na pinuna ng kongresista ang pahayag ng isang DSWD official na sakop lang ng programa ang mga pamilya na kumikita lamang ng P12,000 pababa kada buwan.
Tanong tuloy ni Romero, makatuwiran bang sabihin na sapat na ang kitang P400 kada araw para mapakain at mapag-aral ng magulang ang kanyang pamilya?
Tahasan pa nitong sinabi na hindi makakaapekto sa pondo ng 4Ps ang panawagang “delisting moratorium” dahil ang taunang budget nito ay para sa 4.4-M families, subalit sa ngayon 3.9-M lamang ang “considered active” at 3.2-M lang ang nakakatanggap ng financial assistance, dahil “under review” ang 700,000 households beneficiaries. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News