dzme1530.ph

Mga principal sa 14 EMBO schools, walang nakikitang problema kaugnay sa territorial dispute sa pagitan ng Makati at Taguig City

Walang nakikitang problema ang mga principal ng 14 na eskwelahan sa Enlisted Men’s Barrio (EMBO) schools na ngayon ay nasa hurisdiksyon na ng Taguig City government.

Sa ginanap na Brigada Eskwela bago ang pormal na pagbubukas ng klase sinabi ni Dr. Felix Bunagan, Principal ng Makati Science High School at West Rembo Elementary School Principal Alma Adona, na naging matagumpay ang Brigada Eskwela sa tulong ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.

Pinasalamatan pa nina Principal Bunagan at Adona si Mayor Lani at Taguig volunteers sa ipinakitang suporta sa Brigada Eskwela na nagsimula noong Aug. 14 hanggang Aug. 19.

Inamin naman ni Taguig-Pateros School’s Superintendent Dr. Cynthia Ayales, na buwan pa lamang ng Hulyo, may maayos ng koordinasyon sa Taguig LGU ang 14 na school officials.

Ayon sa mga school officials, sa ginanap na General Parents Teachers Association Dialogue, hangad din nila ang maayos na transition, at nakita nila ang intensyon ng Taguig LGU na maibigay ang magandang serbisyo at benepisyo sa mga estudyante.

Napawi na rin ang agam-agam ng mga magulang ng igarantiya ni Mayor Lani ang dekalidad na serbisyo at tulong sa may 30,000 estudyante ng EMBO schools.

Inamin ng Taguig na hindi pa nila maipagkakaloob ngayon ang libreng school uniforms at school supplies dahil sa delay sa panig ng Makati City, subalit programa na umano ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang libreng school supplies, uniforms, sapatos at schoolarship na bukas sa lahat mula P15,000 hanggang P110,000 para sa mga kumukuha ng vocational at 4-year courses, master’s at doctorate degree maging sa mga board at bar takers.

Kabilang sa mga paaralan ng Makati na napunta sa Taguig City ay ang Comembo Elem. School, Rizal Elem. School, Pembo Elem. School, Ninoy S. Aquino Elem. School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elem. at High School, Pitogo Elem at High School, Cembo Elem. School, East Rembo Elem. School, West Rembo Elem. School at South Cembo Elem. School. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author